Kaya wag ka nang mangarap. Wag ka nang magbuntong-hininga habang nilalandi ang pag-iisip ng malalagkit na gunita. Wag ka nang gumuhit ng puso at mga konektadong linya sapagkat sasaktan mo lamang ang iyong sarili. Hindi ito ang oras ng pag-asa. Dahil mabibigo ka lamang.
Ang meron lamang ay ang nakaraan. Ang mga nagdaan. At ang mga alaala. Ang unang ngiti. Ang unang pag-uusap. Ang mga nakaw na sandaling mahuhuli mo siyang nakatingin sayo. Ang ngiti sa kanyang labi habang nilalayo ang tingin papunta sa kabilang sulok ng kwarto. Ang bote ng beer na ayaw mong ubusin. Ang usok na sigarilyong lumalason sa hangin. At mahabang lakaran pauwi. Ang yakap niya. At ang matamis niyang halik —
— Iyon na lamang ang matitira. Ngunit pagdaka’y lilisan din. At hindi mo man lamang mararamdaman ang langitngit ng sahig kapag siya’y tuluyan nang umalis.
Hindi sa akin ang balang araw. Kaya hindi na ako dapat umasa. Nilalason ko lamang ang aking sarili.
Ang sabi ni Paracelsus, ang dosis ang gumagawa ng lason. Ang minsang pag-asa sa wala ay isang katangahan. Ngunit ang paulit-ulit na pagkapit sa natitirang sana ay isang pagpapakamatay.
Isang mapait, matagal, bayolenteng uri ng kamatayan. Aminin na natin, ang pagbalat sa’yo ng buhay ay parang kagat lamang ng langgam kumpara sa paghubad sa’yo ng iyong dignidad at respeto sa sarili.
Walang balang araw. Hindi sa atin ang balang araw.
Ang meron lamang ay ang ngayon. Ang nakalipas ay isang malayong alaala; ang hinaharap ay isang malabong hinagap.
At ngayon ay iniibig kita. Inibig. Iibigin.
Iniibig pa rin kita.
Ngunit, sa kasawiampalad, walang balang araw.

